Monday, May 6, 2013

Nasaan ka Pag-Ibig? aka HDMI Fund

Napansin mo na ba sa payslip mo ang kinakaltas sa iyo buwan-buwan na php100?

Naisip mo na rin ba kung bakit, papano at saan ito?

Bago ka mainis, magalit o sumumpa ng kung sino, isipin mo na lang na nagbibigay din ng Php 100 ang kompanya na pinagtratrabahunan mo. Bale, 200 ang total na binibigay dito. 

Para saan nga uli ito?

Palagay ko marami ng nakakaalam na pwede kang umutang sa Pag-ibig na mababa lang ang interes. Ayon sa kanilang website http://www.pagibigfund.gov.ph/


May 2 klase ng Short Term Loan
1. Multipurpose Loan
2. Calamity Loan

Pwede ka ring umutang para sa pabahay. Hindi ko pa ito nagagawa kaya wala akong masasabi dito. Siguro mga 5 taon pa at uutang na rin ako para sa pabahay.  

At ang huli ay yung tinatawag nila na Provident Savings. Oo, dito nilalagay ang 100 pesos mo buwan-buwan. Kung ako ang tatanungin, dahil tinatapatan ng boss mo ang hinuhulog mo dito, ay para ka na ring nakakakuha ng libreng pera. Yun nga lang sa edad 60 mo pa ito makukuha. 

Gaano kalaki ba ang pinag-uusapan natin?



Ako'y bumisita sa isang Pag-Ibig office kamakailan at ayon dito sa binigay nila na papel, sa mahigit 5 taon kong pagtratrabaho sa isang kompanya ay 7,155 ang naihulog ko sa kanila. Dahil sa tinatapatan ito ng boss ko at may kinita rin na kaunti dividendo (?), ito ay naging 16,954. ibig sabihin ay meron kang matatanggap na "extra" na 9799. Hindi na rin masama diba?


Ano mga dapat tandaan?

Aking napag-alaman sa opisina ng Pag-Ibig na hindi centralized ang rekords nila. Ibig sabihin na kung sa Caloocan ka nagtratrabaho dati ay malamang dito din sa branch na ito naghuhulong ang opisina mo dati.

Kung maisipan mong lumipat ng trabaho sa Makati, kailangan ay ipa-transfer  mo din ang records mo sa Pag-Ibig branch nila duon. 

Bakit?

Dahil sa panahong pwede mo na siyang kunin (edad 60) ay mahihirapan kang hanapin ang rekords mo at iisa-isahin mo yang mga branches na yan. 

Na-engganyo ba kita na ayusin mo ang rekords mo?

-Maria

No comments:

Post a Comment