Showing posts with label gov. Show all posts
Showing posts with label gov. Show all posts

Tuesday, May 7, 2013

Ang SSS ng iyong magulang....

Kung ang mga magulang mo ay wala pang 60, palagay ko ay dapat mong asikasuhin ang SSS nila.

Kahit na sabihin natin na hindi naman ganuon kalaki ang nakukuha dito, iba pa rin na may nakukuha sila buwan-buwan. 

Tatlong taon na ang nakakalipas ng inasikaso ko ang SSS ng nanay at tatay ko. Gusto ko kasi na sa pagtanda nila ay may pera silang makukuha. 

Nalaman ko nung panahon na iyon na isang kontribusyon na lang at tapos na sa 240 (?) na kontribusyon ang aking ama. Sa nanay ko naman ay kailangan pa nya ang 5 taon para matapos. 

Naisipan ko na hulugan ang pinakamataas na braket para sa kanila. 

Nakakakuha na ng pension ang ama ko ngayon ng 5,000 buwan-buwan. Ang nanay ko naman ay 57 na ngayong taon at patuloy ko pa ding hinuhulugan ang SSS nya. 

Hindi ako hinihingan ng pera ng magulang ko. Walang pang pagkakataon na inobliga nila ako. Kahit pa duon ako sa kanila nakatira at walang binabayaran sa kuryente at tubig. 

Kaya ito ang naisip ko na paraan para kahit papaano ay may makuha sila sa pagtanda nila. 

-Maria

Monday, May 6, 2013

Nasaan ka Pag-Ibig? aka HDMI Fund

Napansin mo na ba sa payslip mo ang kinakaltas sa iyo buwan-buwan na php100?

Naisip mo na rin ba kung bakit, papano at saan ito?

Bago ka mainis, magalit o sumumpa ng kung sino, isipin mo na lang na nagbibigay din ng Php 100 ang kompanya na pinagtratrabahunan mo. Bale, 200 ang total na binibigay dito. 

Para saan nga uli ito?

Palagay ko marami ng nakakaalam na pwede kang umutang sa Pag-ibig na mababa lang ang interes. Ayon sa kanilang website http://www.pagibigfund.gov.ph/


May 2 klase ng Short Term Loan
1. Multipurpose Loan
2. Calamity Loan

Pwede ka ring umutang para sa pabahay. Hindi ko pa ito nagagawa kaya wala akong masasabi dito. Siguro mga 5 taon pa at uutang na rin ako para sa pabahay.  

At ang huli ay yung tinatawag nila na Provident Savings. Oo, dito nilalagay ang 100 pesos mo buwan-buwan. Kung ako ang tatanungin, dahil tinatapatan ng boss mo ang hinuhulog mo dito, ay para ka na ring nakakakuha ng libreng pera. Yun nga lang sa edad 60 mo pa ito makukuha. 

Gaano kalaki ba ang pinag-uusapan natin?



Ako'y bumisita sa isang Pag-Ibig office kamakailan at ayon dito sa binigay nila na papel, sa mahigit 5 taon kong pagtratrabaho sa isang kompanya ay 7,155 ang naihulog ko sa kanila. Dahil sa tinatapatan ito ng boss ko at may kinita rin na kaunti dividendo (?), ito ay naging 16,954. ibig sabihin ay meron kang matatanggap na "extra" na 9799. Hindi na rin masama diba?


Ano mga dapat tandaan?

Aking napag-alaman sa opisina ng Pag-Ibig na hindi centralized ang rekords nila. Ibig sabihin na kung sa Caloocan ka nagtratrabaho dati ay malamang dito din sa branch na ito naghuhulong ang opisina mo dati.

Kung maisipan mong lumipat ng trabaho sa Makati, kailangan ay ipa-transfer  mo din ang records mo sa Pag-Ibig branch nila duon. 

Bakit?

Dahil sa panahong pwede mo na siyang kunin (edad 60) ay mahihirapan kang hanapin ang rekords mo at iisa-isahin mo yang mga branches na yan. 

Na-engganyo ba kita na ayusin mo ang rekords mo?

-Maria

Friday, May 3, 2013

Magkano ang buwis na binabayaran mo?

Nag-uusap kami ng kasama ko sa trabaho....


Officemate: Mam, hindi na po ako mag-oovertime
Maria: Bakit naman? Di ba mas lumalaki ang natatanggap pag may OT?
Officemate: Yun na nga eh, konti lang ang nadadagdag.

Napaisip naman ako at nasabi ko sa sarili ko na tingnan ko kung kaya kong patunayan kung ganun nga ang nangyayari.

Base sa BIR ....


Papaano ba natin ito titingnan?
Dun na lang tayo sa buwanan. Kung ikaw ay walang dependents at ang sweldo mo ay Php 25,000, ang dapat na buwis na babayaran mo ay Php 4,166.67


Ibig sabihin, diretsong 4,166.67 ang buwis mo sa 25,000 na sweldo mo. 
Eh ano naman ang mangyayari kung dahil sa kaka-OT mo ay nadagdagan ka ng 5,000? Magkano ang buwis ng 5,000 na yun? Ito ay 30% ng 5,000 o 1,500.

Ang buwis ng 30,000 ay 5,666.67
Ang  buwis ng 25,000 ay 4,166.67


Sa bandang huli, may punto nga siya. Habang mas lumaki ang sweldo mo, mas malaki rin ng porsyento nun ang napupunta sa buwis. 


-Maria